Ang Mga Produktong Nagpapahayag ng “Lunas” sa Kanser ay Isang Malupit na Panlilinlang
Panlilinlang sa Kanser: Isang Malupit na Panlilinlang
Mag-ingat sa mga produktong nagpapahayag na lulunas ng kanser sa mga website o social media platform, kagaya ng Facebook at Instagram. Ayon kay Nicole Kornspan, M.P.H., isang opisyal para sa kaligtasan ng konsyumer sa Pangasiwaan ng Pagkain at Gamot sa Estados Unidos (FDA), ang mga ito ay laganap sa kasalukuyan.
“Ang sinumang nagdurusa sa kanser, o nakakikilala ng taong mayroon nito, ay nakauunawa sa takot at desperasyon na maaaring maramdaman,” wika ni Kornspan. “Maaaring magkaroon ng malaking tentasyong paniwalaan ang anumang maaaring magkaloob ng pagkakataon sa paggaling.”
Ang mga lehitimong medikal na produkto na kagaya ng mga gamot at aparato na naglalayong gamutin ang kanser ay kinakailangang makakuha ng pag-apruba o clearance ng FDA bago ang mga ito ay ipakilala at ibenta. Ang proseso ng pagsusuri ng ahensiya ay tumutulong sa pagsiguro na ang mga produktong ito ay ligtas at epektibo para sa kanilang mga nilalayong gamit.
Gayunman, palaging posible ang makahanap ng tao o kumpanyang nagbebenta ng mga bogus na “gamot” sa kanser, na makikita sa maraming anyo, kabilang ang mga pildoras, kapsula, pulbos, krema, tsaa, langis, o mga kit sa paggamot. Madalas na naka-advertise bilang mga “natural” na gamot at madalas na may mapanlinlang na tatak gaya ng mga suplement sa pagdidyeta, mga naturang produktong mukhang walang masamang epekto, ngunit maaaring magdulot ng pinsala sa pamamagitan ng pag-aantala o pagsasagabal sa mga pinatunayang pagpapagamot na may pakinabang. Dahil walang pag-apruba o clearance ng FDA para sa kaligtasan, maaari ring ang mga ito ay maglaman ng mapanganib na mga sangkap.
Iyon ay totoo para sa mga pagpapagamot na nilalayon para sa mga tao at sa mga nilalayon para sa mga alagang hayop. “Marami ang mga bogus na remedyo na nagpapahayag ng lunas sa kanser sa mga pusa at aso na lumalabas online,” wika ni Kornspan. Ang mga taong hindi nakakayang gumastos nang malaki sa ospital para sa hayop upang gamutin ang kanser sa kanilang minamahal na mga aso at pusa ay naghahanap ng mas mumurahing mga remedyo.”
Pinakikiusapan ng FDA ang mga konsyumer na umiwas sa mga potensyal na hindi ligtas at hindi napapatunayang mga produktong ito at laging talakayin ang mga opsyon sa pagpapagamot ng kanser sa kanilang lisensyadong health care provider.
Ang FDA Ay Kumikilos
Bilang babala, ang FDA ay nagpadala ng liham babala sa mga kumpanya, pinaalalahanan sila na baguhin o tanggalin ang maling pahayag mula sa kanilang websites. Kung hindi sumunod ang mga kumpanya, ang FDA ay maaring gumawa ng legal na aksyon upang maiwasan ang kanilang produkto na maabot ang mga mamimili.
Mga Babalang Senyales
Habang ang ilang mga mapanlinlang na produkto ay nagpapahayag ng lunas sa iba’t ibang mga sakit at kondisyon, ang mga mapanlinlang na produkto sa kanser ay madalas na gumagamit ng partikular na bokabularyo, wika ng Kornspan. Dapat makilala ng mga konsyumer ang ilang mga parirala bilang mga babalang senyales, kabilang ang
- Gumagamot sa lahat ng anyo ng kanser
- Milagrong pumapatay sa mga cancer cell at tumor
- Pinapaliit ang mga nakamamatay na tumor
- Mapiling pumapatay sa mga cancer cell
- Mas epektibo kaysa sa chemotherapy
- Umaatake sa mga cancer cell, na iniiwang buo ang mga malulusog na cell
- Nagpapagaling sa kanser
Dagdag dito, ang mga produkto ay lumulunas man sa kanser o iba pang sakit, may ilang mga catch phrase na makapagsasabi sa iyong ang mga ito ay bogus.
“Mayroong mga ligal na paraan para ma-access ng mga pasyente ang mga gamot na iniimbestigahan, halimbawa ay ang pagsali sa mga clinical trial,” wika ni Kornspan. Ang mga pasyenteng nagnanais na subukan ang mga pinag-eeksperimentuhang gamot sa kanser ay dapat na makipag-usap sa kanilang doktor tungkol sa mga opsyon sa pagpapagamot. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang website ng National Cancer Institute Clinical Trials.